Kilala ang Raven na baril ng mga kriminal at juvenile delinquents. Saturday Night Special ang tawag. Walang safety lock ang trigger, mabisa lang sa malapitang putukan. Sarado na ang manufacturer, pero binebenta pa rin ng Valor.
Ito ang pinaka-huli sa sunud-sunod na pagkapanalo sa US ng mga biktima ng palpak na produkto. Bantog ang utos-Korte na magbayad ang isang malaking cigarette maker ng $4 bilyon sa babaeng chain smoker na nagka-cancer. Bantog din ang pagbayad ng isang power plant sa nakatira sa paligid na nagkasakit sa pollution. Merong pinagbayad na car maker dahil sa aksidente sa daan, gumagawa ng andador ng bata na madaling bumuwal, at burger joint na nagbenta ng mainit na kapeng nakapaso.
Malakas ang consumer movement sa America. Kakampi ang Kortet Kongreso. Pinasasagot sa manufacturer ang samang dulot ng produkto.
Ngayon lang sumisigla ang consumerism sa Pilipinas. Pero dala ito ng paggiit ng mamimili ng kanilang karapatan, hindi sa tulong ng Korte o Kongreso. Bukod sa pasya ng Korte Suprema sa Meralco overprice simula 1994, karamihan ng desisyon ay panig sa malalaking kompanya.
Hindi naman siguro nagkaka-ayusan sa likod ng courtrooms. Iba lang talaga ang pagtrato ng awtoridad sa sitwasyon. Caveat emptor, ika nga, buyer beware. Problema ng bumili kung pumalpak ang binili.
Dulot ito ng kakaibang pananaw-Pinoy sa buhay. Kung may sama na nangyari sa iyo, problema mo yon at hindi ng iba. Kaya pati sa krimen kakaiba ang trato. Kung na-snatch ang cellphone, sisisihin kang nagte-telebabad sa sidewalk. Kung nabaril sa likod, tulad ni Supt. John Campos, sasabihing pabaya sa sariling security. Kung na-rape, kesyo kerengkeng.