Si Campos, 37, ay binaril at napatay noong Huwebes ng madaling araw habang kumakain sa isang food house sa Parañaque. Ang cashier ng food house na si Emily Dumlao, 27, ay nadamay sa pamamaril at namatay. Si Campos, ay isa sa mga tauhan ni dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayoy senador Panfilo Lacson. Isinangkot si Campos ng kanyang dating ka-live-in na si Mary Ong alyas Rosebud sa illegal drug trade. Tulad ni Lacson, na sumailalim sa imbestigasyon ng Senado sa mga kasong kidnapping, drug trafficking at money laundering, si Campos man ay sumailalim din sa Senate investigation. Ang pagpatay kay Campos ay malaking balita sapagkat sinabi ni Rosebud na si Lacson ang utak ng pagpatay. Mariing pinabulaanan ni Lacson ang bintang.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang malinaw na imbestigasyon ang pulisya. Nangangapa pa sila sa dilim na halos katulad din ng nangyari sa pagpatay kay Baron Cervantes, spokesman ng Young Officers Union (YOU) noong nakaraang taon. Ang pagpatay kay Cervantes ay halos katulad din ng ginawang pagpatay kay Campos.
Sanay madakip sa madaling panahon ang killer ni Campos. Pakilusin sana ni Interior Sec. Jose Lina ang pulisya para mahuli ang killer at nang mahukay kung sino ang nasa likod ng pagpatay. Kung madarakip ang killer, mawawala na ang sari-saring speculation at haka-haka nasa ang pagpatay kay Campos ay bahagi ng destabilization plot laban sa Arroyo administration.
Mabilis na aksiyon ng pulisya ang nararapat sa kasong ito. Hindi dapat matulad ang Campos slaying sa mga kaso ng pagpatay na tulad ng kay Nida Blanca, Bubby Dacer, Edgar Bentain at marami pang iba.