Masakit ang kamatayan ni Campos. Sumusugat sa damdamin ng mga kaanak subalit mas masakit ang kamatayang nangyari kay Emily Dumlao. Si Emily, 27, cashier ng Tita Ghems pares-pares food house ay nadamay sa pagpatay kay Campos. Nang pagbabarilin ng armalite si Campos, isang bala ang tumama sa tiyan ni Emily. Sa isang iglap, ang pangarap ni Emily para sa mga magulang at kapatid ay naglaho.
Breadwinner si Emily. Ang kanyang mga magulang ay karaniwang magsasaka sa San Narciso, Zambales. Pito ang kanyang mga kapatid. Mabait na anak at kapatid, ni minsan umano ay hindi nagkulang sa pagpapadala ng pera si Emily sa probinsiya. Ang kanyang isipan ay nakatuon sa pagtulong sa kanyang mga magulang at kapatid. Nais niyang mabigyan ng magandang buhay ang mga ito. Pangarap na mapagtapos ng pag-aaral ang mga kapatid at nang makatakas sa kahirapan. Ngayong Pasko, ay marami sanang balak si Emily. Magkakaroon sila ng family reunion at magpapalitan ng regalo. Sa isang iglap ang pangarap ni Emily para sa kanyang pamilya ay biglang naglaho dahil sa walang kakuwenta-kuwentang kamatayan.
Iisa ang sigaw: Katarungan para kay John Campos at Emily Dumlao. Huwag hayaang ang pagpatay sa kanila ay mapabilang sa mga hindi nalutas na kaso. Ipakita ng pamahalaan na naisisilbi ang hustisya sa bansang ito. Isang hamon kay President Gloria Macapagal-Arroyo at matataas na opisyal ng Philippine National Police ang mabilisang paglutas sa kasong ito. Hustisya sa mga pinatay!