Pero duda ako sa statement ni Rosebud. Bakit kapapangyari pa lang ng trahedya ay nagpa-interview na siya sa radyo at positibong itinuturo si Lacson na "utak" sa pagpaslang? Aniya may dokumento siya tungkol sa plano ni Lacson. Aber pakilantad nga at nang makalaboso na ang Senador na ito. Wala yatang maipakitang pruweba si Rosebud tulad ng dati. Dapat manahimik na lang itong si Baby Tsina, o baka naiisip niyang nawawala na siya sa eksena kaya muling nagpapakontrobersyal?
Dating lovers sina Rosebud at Campos. Pero nagkasira ang dalawa at kasama ang pinaslang na opisyal sa mga idiniin ni Rosebud na sangkot sa pangangalakal ng droga kasama si Ping Lacson, kung inyong matatandaan. Ngunit ang lundo ng galit ni Rosebud ay kay Lacson. Bakit? Ito bay dahil sa lamangan sa partihan o may gumagamit kay Rosebud para i-demolish si Lacson? Sa kabila ng kanyang mga nagbabagang press statements at mga pagbubunyag sa Senado nung isang taon, wala pa ring naisasampang kaso laban kay Lacson. Ano ba ang kulang sa imbestigasyon at wala pang basehan ang pagsasampa ng asunto laban sa kanya? Dapat marahil ay matagal nang nasa kalaboso si Lacson. Kung may matibay na ebidensya laban sa Senador.
Sabi ni Rosebud, malamang siya na ang susunod sa hit list. Hindi malayong mangyari. Sa ambisyon ni Lacson sa 2004, malamang (God forbid) itutumba rin si Rosebud ng mga kalaban ni Lacson para ibintang ang krimen sa Senador. Puwede ring maging utak si Lacson sa pagpatay kay Rosebud para isigaw niyang ginigiba siya para matalo sa 2004 elections. In that case, Lacson will even draw public sympathy. At iyan ang magiging malalim na palaisipang sing-hiwaga ni Jack the Ripper.