Malagim ang sinapit ng mga pasahero ng Falcon bus na nahulog sa bangin sa San Vicente, Tagkawayan, Quezon noong Nobyembre 24. Tatlumpot-tatlo ang namatay at walo ang malubhang nasugatan. Batay sa mga pahayag ng mga nakaligtas na pasahero ay nawalan ng preno ang bus. May nagsabi naman na nakatulog ang driver. Ang buhay ng mga pasahero ay nakasalalay sa driver. Sanay may mga naglakas-loob na punahin ang tsuper kung siyay inaantok at nagpapatakbo nang matulin.
Sa pagbagsak ng Laoag International Airlines Flight 585 noong Nobyembre 11, 19 na pasahero ang namatay. Ayon sa mga imbestigador naging pabaya ang mga piloto. Dapat na maging mahigpit ang mga airline officials sa pagsisiyasat sa mga eroplano bago ito payagang makalipad.
Marami rin namang malalagim na sea disaster ang nangyari sa nakaraan. Dahil sa sobrang dami at pagsisiksikan ng mga pasahero at bigat ng mga kargamento kaya maraming lumubog na barko. Hindi maibigay ang tamang bilang ng mga namatay sa sea mishap dahil sa ang ibang mga pasahero ay hindi nakatala sa manifesto.
Ngayong Christmas season ay marami ang magsisiuwi sa mga lalawigan. Sasakay sila sa bus, sa eroplano at sa barko. Dapat na maging maingat, handa at alisto sila sa pagbibiyahe dahil baka iyon na ang huli nilang biyahe.