Gustong magpa-refinance sa Pag-IBIG

Dear Sec. Mike Defensor,

Ako ay ordinaryong empleyado at may 10 taon nang miyembro ng Pag-IBIG. May limang taon na akong naghuhulog sa aking housing loan sa isang kilalang banko ngunit napag-alaman ko na mas mababa pala ang interes ng housing loan sa Pag-IBIG. Regular ang aking bayad at wala akong arrears sa aking utang. Nabibigatan na ako sa buwanang hulog ko at halos interes lamang ang aking nababayaran, kakaunti lamang ang naibabawas sa prinsipal na utang. Maaari ba akong magpa-refinance sa Pag-IBIG? Anu-ano ang kailangang mga papeles at dokumento? –Joan Nicolas


Maaari kang mag-housing loan sa Pag-IBIG upang i-refinance ang iyong utang basta updated ang iyong paghuhulog sa banko. Kailangan din na kabilang ang bankong iyong pinagkakautangan sa acceptable banks ng Pag-IBIG. Sapagkat mas mababa ang interest rate ng Pag-IBIG kaysa sa ibang banko, magiging mas magaan sa iyo ang pagbabayad sa buwanang hulog.

May mga hakbang at proseso na dadaanan ang gustong mag-housing loan kabilang na rito ang loan counselling. Upang malaman mo ang ibang detalye gaya ng halaga ng iyong mauutang, mga kailangang papel at dokumento, pinapayuhan kitang dumalo sa loan counselling na dinadaos sa Pag-IBIG Branch sa Makati (Atrium Building, Makati Avenue) o sa Pag-IBIG Branch sa Ortigas (611 Westar Building Shaw Boulevard, Pasig City). Maaari kang magpunta sa branch na mas malapit sa iyo.

Para sa mga katanungan, sumulat lamang sa Office of the Chairman, Housing and Urban Development Coordinating Council, 6th Floor Atrium Building, Makati Avenue, Makati City. Maraming salamat sa iyong suporta at pagtangkilik sa Pilipino Star NGAYON.

Show comments