"Ang pagsasaka ay isang mabigat na gawain na kahit sa gitna ng matinding sikat ng araw ay patuloy pa rin sa pagbubungkal ng lupa ang isang magsasaka sapagkat nakaatang sa kanyang mga balikat ang katotohanang siya ang nagpapakain sa Inang Bayan.
Madaling araw pa lamang, iginagayak na niya ang kanyang sarili para harapin ang gawaing bukid. May pagkakataon pang aalis siyang madilim sa kanyang tahanan gayon din sa pag-uwi.
Apat o limang buwan siyang naghihintay sa kanyang itinanim, inaalagaan niya sa pamamagitan ng pampataba, gamot at iba pang magpapaganda sa kanyang pananim upang sumagana ang kanyang ani.
Pagsapit ng anihan, sa halip na ligaya ang madarama ng isang magsasaka ay lungkot at pighati ang kanyang nadarama, sapagkat sa halip na mayroon pang matira sa kanya ay kulang pa sa ipambabayad niya ng utang.
Hanggang hindi binibigyan ng gobyerno ng sapat na tulong pinansiyal ang mga magsasaka at hindi nila maiaahon ang kanilang pamilya sa kumunoy ng kahirapan."
Nasapol ng sulat ni Amor ang hirap ng pagsasaka. Hindi namin alam kung ang letter sender ay isang magsasaka subalit kung anuman ang kanyang propesyon sa buhay, ang kanyang pananaw sa dinaranas na hirap ng magsasaka ay mabisa niyang naisalarawan. Tama ang kanyang mga sinabi.
Marami nang namuno sa Department of Agriculture subalit walang nakapagbigay sa mga magsasaka ng mabisang ayuda para guminhawa ang pamumuhay. Ang pangangailangan ng mga magsasaka ay hindi natutugunan at lalo pa silang nasasadlak sa kumunoy ng kahirapan.
Sa pag-upo ni Lorenzo sa Department of Agriculture, dapat niyang bigyang pansin ang kalagayan ng mga magsasaka. Suportahan niya at proteksiyunan ang maliliit na magsasaka. Ipakita niyang hindi totoo ang mga batikos sa kanya na hindi siya ka-balahibo ng mga magsasaka.