Estilong Makoy sa Meralco take-over

PLANO ba ng administrasyon na gawing "gatasan" ng mga suwapang at masiba sa gobyerno ang Meralco?

Anang Malacañang, ibinasura na ang planong Meralco take-over. Ows? Kakatwa kasi ang plano ni Finance Secretary Jose Isidro Camacho. Magnonomina raw at mag-aanyaya ng mga respetadong tao mula sa mga pribadong organisasyon para umupo sa Meralco board. Wala raw taga-gobyernong uupo kaya hindi ito take-over.

Iyan mismo ang sabi sa mga Lopez ng administrasyong Marcos bago kamkamin ang kompanya noon. Nagtalaga ng audit team sa pangunguna ni Executive Secretary Alejandro Melchor para suriin ang mga libro ng Lopez companies, partikular ang Meralco. May de facto control ang tropa ni Melchor para humirang o sumibak ng sino mang ehekutibo. Nagising na lamang isang araw ang mga Lopez na ang mga bumubuo ng board ng Meralco ay puro nominado ni Marcos. Malamang ganyan din ang mangyayari kung matutuloy ang pakikialam ng gobyerno sa Meralco.

Ani Camacho, ito’y isang working draft lang. Puwede raw magbigay ng komento at suhestyon ang pamilyang Lopez. Iyan din ang sabi ng kampo ni Marcos sa mga Lopez bago naitatag ang Meralco Foundation, Inc. Layon daw nito na gawing kasosyo sa kompanya ang mga mamamayan, bagay na hindi nangyari.

Bago lumagda si Don Eugenio Lopez, tinanong siya ng mga alipores ni Marcos kung gusto niyang basahin muna ang sale document. Tinanong ni Don Eugenio kung babaguhin ba nila sakaling mayroon siyang hindi magugustuhan sa dokumento, "Hindi," ang walang gatol na tugon ng mga Marcos boys. Pumirma na lang ang pobreng Don Eugenio!

Ayaw na ng mamamayan sa ganyang estilong gestapo tulad ng ipinairal noon. Isa pa, walang katiyakan kung iigi ang pamamalakad ng Meralco sa kamay ng gobyerno. Sa dinami-dami ng mga dorobo sa gobyerno, hindi malayong maging palabigasan ang Meralco at the expense of the people.

Show comments