Gusto ng murang lupa't bahay

Dear Sec. Mike Defensor,

Nabasa ko po sa inyong kolum dito sa Pilipino Star NGAYON ang programa tungkol sa murang lupa’t bahay. Para lamang po ba ito sa mga OFW? Isa lamang po akong karaniwang empleyado dito sa Navotas Municipal Hall at aking mister ay maliit lamang ang sahod. Sa kasalukuyan po ay nangungupahan lamang kami at ang aming bayad ay P300.00 bawat buwan. Gusto po sana naming magkaroon ng sariling lupa’t bahay kahit maliit lamang dahil marami po kaming anak. Kahit po huhulugan namin ito bawat-buwan upang pagdating ng araw ay may sarili po kaming pag-aari. Dito po sa aming lugar ay lagi kaming lubog sa baha. Sana po ay makalipat kami sa ibang lugar.

Maraming salamat po. –Carmen Raymundo


Ang programa po ng gobyerno sa murang lupa’t pabahay ay hindi lamang para sa mga OFW. Ito ay para sa lahat ng pamilyang nangangailangan ng bahay na matitirahan. Iminumungkahi ko na magsadya ka o tumawag sa Rent-to-Own Office ng Pag-IBIG Fund para sa murang bahay at lupa. Ang Rent-to-Own Office ay matatagpuan sa second floor ng Atrium Bldg. Makati Avenue, Makati City at ang telepono ay 811-4075, 811-21-26. Sa programang ito, uupa muna kayo ng bahay at sa loob ng limang taon ay maaari ninyo itong bilhin. Kung kayo ay kawani ng gobyerno, tiyak na kayo ay miyembro ng Pag-IBIG at maaari ninyong utangin sa pamamagitan ng housing loan ang inyong pambayad. Ang housing loan ay maaari ninyong bayaran sa loob ng 20 o 30 taon. Ipapadala ko sa iyo ang brochure ng Rent-to-Own Program para sa karagdagang detalye at impormasyon.

Show comments