Pero ang pinaka-malabong pasya ay galing sa isang transportation official. Aniya, iniimbestigahan niya kung ang mga nasangkot na bus ay orihinal na right-hand drive na converted lang sa left-hand. Delikado raw ang mga ganitong sasakyan.
Kalokohan ang pinalilitaw ng opisyal. Kesyo kasalanan ng makina lahat, at di ng tao.
Ipagpalagay nang right-hand drive ang mga bus. May mga modern conversion kit naman para gawing left-hand drive ito. May mga abang na butas na ang exles para sa tornilyo. Pero tao rin ang nagko-convert. Kung padaskul-daskol ang trabaho, panagutin dapat ng opisyal ang mekaniko o operator. Huwag ibintang sa pirasong bakal.
Sa totoo lang, mataas pala ang lagnat ng driver ng bus na nahulog sa bangin sa Quezon. E bakit pa bumiyahe? Utos kasi ng manager. E di kasalanan din ng tao. Pabaya sa kaligtasan ng pasahero.
Yung kinaladkad ng tren, nakipag-unahan kasi sa pagbaba ng pangharang habang dumadaan ang tren. Yung nahulog sa Benguet, nawalan ng preno. Yung sinalpok ng dump truck, nawalan ng giya ang manibela. Lahat ay dulot ng di-pagseryoso sa maintenance at repair. Asal puwede-na-yan.
Walang pinagkaiba sa Fokker ng Laoag International Airline. Hindi gumagana ang black box (flight data recorder) nang mag-crash sa Manila Bay. Ibig sabihin hindi na-check ng ground crew kung putol ang electrical connection o sira ang box mismo. E, requirement bago lumipad na i-check kung umaandar ito. Kaso, binale-wala ng mekaniko at may-ari. Hayan, maraming namatay. Tapos, ibinibintang sa eroplano.