Kung tutuusin, dapat ay noon pa nakinig si Mrs. Arroyo. Dapat ay noon pa niya naalis ang mga hindi karapat-dapat at sanay naitatag na niya ang matibay na republika na kanyang pinapangarap. Hindi maaaring makapagtatag ng matibay na republika kung may mga kasamang kulang sa gawa at marami lamang sa ngawa.
Ang pagtanggal kay DENR Sec. Heherson Alvarez at Agriculture Sec. Leonardo Montemayor ay dapat maging aral na sa iba pang Cabinet member para baguhin ang kanilang sistema. Kailangang tanungin nila nang ilang ulit ang sarili kung may nagagawa ba sila para sa kaunlaran ng bansa o nagiging pabigat lamang sila kay Mrs. Arroyo. Dapat nilang malaman na ang ikinababagsak ng isang namumuno ay dahil na rin sa mga tauhan na walang pakinabang.
Bago ang sorpresang pagtanggal kina Alvarez at Montemayor na itinaon pa sa 139 na kaarawan ni Andres Bonifacio, itinanggi ng Malacañang na magkakaroon ng revamp. May ilang Cabinet member na nagbigay na ng kanilang courtesy resignation samantalang marami rin naman ang tumanggi. Isang pagpapakita na may tauhan si Mrs. Arroyo na handang tanggapin ang katotohanan (kung hindi siya karapat-dapat) samantalang marami naman ay kakikitaan ng pagiging kapit-tuko nila sa puwesto.
Mas maganda kung susuriin pang mabuti ni Mrs. Arroyo ang performance ng mga miyembro ng kanyang Cabinet. Marami pa ang dapat sumunod sa yapak nina Alvarez at Montemayor. Kailangan lamang na maging matalas ang mata ni Mrs. Arroyo para makita ang nagpapabigat at tila humihila sa kanyang pababa. Noong nakaraang linggo, isang Cabinet member ni Mrs. Arroyo ang inakusahan na humingi ng $2 million suhol. Ipinakita agad ni Mrs. Arroyo ang pagsuporta sa kanyang Cabinet Secretary.
Ngayoy mabilisan ang pasya ni Mrs. Arroyo sa pagtatanggal sa mga di-karapat-dapat. Ganyan ang dapat, palitan ng makatutulong sa pagtatayo nang matatag na republika. Dito maaaring makakita ng liwanag ang bansang sinasagasaan ng kung anu-anong krisis.