Punumpuno ng emosyon ang talumpati ni Jimenez. Tinawag niyang extortionist at kung anu-ano pa si Perez kasabay ng paghingi niya sa pagbibitiw nito sa tungkulin. Idinagdag pa ni Jimenez na handa siyang isakdal si Perez sa Ombudsman. Ipiprisinta niya ang lahat ng mga dokumentong magpapatunay na ang kanyang mga alegasyon laban kay Perez ay may katotohanan.
Minamaliit naman ng Malacañang ang pagbubunyag ni Jimenez. Sa pamamagitan ni Press Secretary Ignacio Bunye, inihayag nito na hindi dapat mag-resign si Perez sapagkat naniniwala sila na walang katotohanan ang isiniwalat ni Jimenez at ginagawa lamang niya ito upang mapagtakpan at makaiwas sa extradition case.
May iba namang nagsasabi na dapat na si Jimenez ang kasuhan ng bribery sa ibinunyag niyang pagbibigay ng 2 milyong dolyar sa Justice Secretary. Hanggang ngayon ay hindi pa maliwanag kung bakit binigyan ni Jimenez si Perez ng ganoong kalaking halaga. Ito ba ay upang mahinto na ang sinasabi ng kongresista na ginagawang pananakot at panlalait ng kalihim sa kanya? Ito ba ay upang mapigil ang extradition case laban sa kanya o ito ba ay suhol o komisyon para sa isang transaksiyon na una nang isiniwalat ni Villarama at ni Sen. Ping Lacson? Ano ba talaga?
Habang isinusulat ko ito, may nauulinigan akong usap-usapan na bukod kay Perez, mayroon pa raw ibang kasangkot na matataas na personalidad. Unfair ito lalo na sa mga kasamahan ni Perez na kasalukuyang nanunungkulan. Dapat lamang na harapin na ito ni President Arroyo upang mabatid ang katotohanan. Sa ngayon, nag-aabang na ang mga Pilipino sa mga mangyayari. Maging tama sana ang mga hakbangin ni Mrs. Arroyo tungkol dito.