Papano namang hindi sisitahin ang Piatco ni Mendoza, na dating PNP chief? E walang balak ipatupad ang matagal nang security measures sa lumang NAIA-1 at Centennial Terminal. At lalong binale-wala ang pinagkasunduang measures ng ibat ibang bansa matapos ang Sept. 11 terror attacks sa Amerika.
Unang napansin ni Mendoza na balak pala ng Piatco na luwagan ang security check sa departing passengers. Ira-random check lang ang kilos-suspetsoso. Mga maghahatid o susundo sa pasahero ang kakapkapan. Nakasakay ng eroplano ang al-Qaeda terrorists nung Sept. 11 dahil sa luwag. Nahuli naman ang maraming kasunod na copycat bombers dahil sa paghihigpit sa buong mundo. Tapos, babaguhin ng Piatco sa Manila.
Inurirat din na walang access road para sa paglipat ng pasahero at cargo sa pagitan ng NAIA-3 at Centennial Terminal. Ang laking usapin nga niyan noon pa. Dapat kasi, bubutas ng tunnel ang Piatco patungo sa NAIA-1 at Centennial Terminal. Pero nilabag ang kontrata. Ipinasa sa gobyerno ang paggawa ng kalye; tinamaan pa ang Nayong Pilipino. Hindi pa tapos ang kalsada na taumbayan ang gumastos. Wala pa ring komunikasyon sa pagitan ng ground maintenance at control tower. Pero niyayabang ng Piatco na moderno ang NAIA-3.
Pinaka-masakit ang giit ni Mendoza na tayuan ng perimeter fence sa paligid ng NAIA-3. Sinadya ito ng Piatco dahil ginawa nitong public mall ang duty-free shopping area ng mga pasahero. Kinomisyonan nito ang ilang kompanyang nais magtayo ng tindahan.
Abangan ang inspection ng US-Federal Aviation Authority. Pag nakita nito ang mall sa gilid ng terminal, malamang na hindi payagang mag-landing ang US airlines. Gagaya ang European authorities.