Kamakailan lamang isang raid ang ginawa sa isang bahay sa Sun Valley Subdivision, at natagpuan doon ang pabrika ng illegal na droga.
Noong November 14, naganap naman ang kagimbal-gimbal na pagnanakaw at pagpatay sa estudyanteng si Alvin John Valdez, 14. Lumalabas sa imbestigasyon na pagnanakaw ang motibo sa pagpatay kay Alvin. Walang-awang binaril ng isang lalaki habang nakasakay sa tricycle si Alvin dakong alas-9 ng gabi.
Bagamat nakilala na ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay kay Alvin, maugong ang balita na ang nasabing lugar sa Merville ay pinamumugaran ng mga miyembro ng sindikato ng droga. Maaring bangag sa droga ang pumatay kay Alvin.
Halos kasabay nang pagpatay kay Alvin, isa namang 18-anyos na lalaki na nakilalang si Jomar Jelani, 18, ay pinatay sa saksak sa. Bgy. Kalayaan, Pasay City. Ayon sa pulisya, sinaksak at napatay si Jelani habang nakikipag-inuman.
Sa pagkakapatay kina Alvin at Jomar, nagpapahiwatig ito ng kakulangan, kung hindi man kawalan, ng seguridad sa komunidad. Malinaw din ang katotohanang malaki ang papel ng droga sa paglaganap ng mga ganitong uri ng karahasan sa lipunan. Maituturing ngang salot ang droga sa ating lipunan.
Naway mabigyan naman ng katarungan ang sinapit ng mga biktima, at mamayani na rin ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad.