Isa sa nakadilat na katotohanan na wala nang ligtas na lugar dito sa Pilipinas ay ang sunud-sunod na pagpatay na naganap nitong nakaraang linggo. At ang mga napatay ay pawang estudyante. Kamakalawa, isang estudyante ng AMA computer school ang walang awang pinagsasaksak sa loob ng University of the Philippines, sa Diliman, Quezon City. Natagpuang patay ang 21-year old na si James Ireneo Manzano, graduating student ng AMA. Natagpuan ang bangkay ni Manzano sa harapan ng Arts and Sciences Building. May mga saksak siya sa tiyan. Hinihinala ng mga pulis na biktima si Manzano ng mga nag-aaway na fraternity sa campus at isang posibilidad din na pinatay siya ng isang "thrill killer". Ilang taon na ang nakararaan, napatay din ng magkalabang fraternity si Niño Calinao, isang journalism student.
Ang 14 anyos na estudyanteng si Alvin John Valdez ng Merville, Parañaque ay napatay din makaraang barilin ng isang hindi pa nakilalang lalaki. Nakasakay sa tricycle si Alvin nang barilin ng lalaki dakong alas-nuwebe ng gabi. Biktima ng holdap si Alvin sapagkat hinablot pa umano ng lalaki ang bag nito at saka binaril.
Dalawang kabataan ang naputol ang pangarap dahil sa walang kuwentang pagpatay. Naganap ang pagpatay sa mataong lugar at nakapagtatakang wala man lamang pulis o barangay tanod na nagroronda para sumaklolo sa mga biktima. Hindi pa gaanong kalaliman ang gabi nang maganap ang dalawang krimen at maitatanong kung nasaan ang mga protektor ng mamamayan. Sino ba ang kanilang binabantayan?
Marami pang mapuputol na pangarap hanggat ang maykapangyarihan ay hindi gagawin nang may kaseryosohan ang kanilang tungkulin. Marami pang James Manzano at Alvin Valdez ang mamamaalam sa mundo dahil sa kawalan ng proteksiyon.