Huwag nang magpaloko uli sa Meralco

GUSTO pang humirit ang Meralco sa desisyon ng Supreme Court na magbayad ito sa sobra nitong paniningil sa loob ng maraming taon. Nagpahayag ang Meralco na mag-aapela sila sa Supreme Court upang mabago ang nasabing desisyon. Ang ginawang aksyon ng Supreme Court ay parang bombang sumabog na ikinatuwa ng milyun-milyong customers ng Meralco.

Sa kabilang dako naman, iba’t ibang grupo, katulad ng Sanlakas ay nagsagawa ng kani-kanilang kampanya upang manawagan na maging matatag at hindi mabago ang desisyon ng Supreme Court. Ipaglalaban din ng mga grupo ang pagtupad ng Meralco sa pinag-aatas ng Supreme Court sa madaling panahon nang sa ganoon ay maibalik na kaagad sa publiko ang sobrang isiningil ng Meralco.

Talagang ipinakita ng Meralco ang lakas at impluwensiya nito sapagkat matagal na rin nitong binalewala ang pag-uutos ng Energy Regulatory Board na ibalik nito ang sobrang siningil sa kanilang mga customer mula 1994 hanggang 1998. Ngayon nga ay umabot na sa halagang P28 bilyon ang dapat na maibalik sa publiko. Paano nakalusot ang Meralco sa kautusang ito? Dahil ba sa mga nakikinabang na pulitiko?

Mabuti na lamang at mayroon tayong Supreme Court na magtutuwid sa kawalanghiyaang ginawa ng Meralco sa mamamayan. Akalain ba nating pati mga obligasyon na dapat na sila ang managot na katulad ng kanilang income tax ay ipinasa pa sa kanilang mga customer. Hindi ba ito isang panloloko at pang-aabuso sa mga kaawa-awang mamamayan?

Nararapat lamang na lahat tayo ay magkaisa upang masiguro na mapatawan ng kaparusahan ang Meralco hindi lamang upang makasingil tayo. Dahil sa dami ng pera at sa impluwensiya nito, gagawa at gagawa nang milagro ang Meralco upang muling makalusot ito sa kanilang mga kasalanan at sa ipinag-uutos ng Supreme Court. Huwag na tayong muling magpaloko pa.

Show comments