Pero sa malalimang pagsusuri, nakakapagtaka ang figures. Lahat halos ng 1,200 respondents sa survey, tinuring ang "demokrasya" bilang "kalayaan." Ibig sabihin kaya nito, hindi gagap ng Pilipino ang pag-iisip at pag-uusap para malinang ang pasya ng mayorya habang kinikilala ang minorya sa isang demokrasya? Ibig sabihin kaya na hangad lang ng Pilipino maging malaya pero walang kaakibat na tungkuling itaguyod ang kagustuhan at kabutihan ng nakararami?
Unang naitala sa kasaysayan ang demokrasya nung mga 500 BC sa Athens. Malaya ang mga mamamayan sa Greek city-state. Humahalal sila ng mga kasapi sa parliament na nagpapatakbo ng lipunan. Pero mga lalaki lang na taxpayers ang botante; walang karapatan ang mga alipin.
Sa Estados Unidos, pinakamatatag na demokrasya ngayon, lahat ng nasa tamang edad ay puwede makilahok sa usaping bansa at lokal. Pero may responsibilidad sila. Sinaad ito ni Thomas Jefferson, ikatlong presidente. Aniya, lahat ng mamamayan ay puwedeng bumoto, pero inaasahan niyang lahat sila ay nagbabasa ng diyaryo. Sa madaling salita, inaalam nila ang mga kaganapan para humusga sa isyu at kandidato.
Malaya ang Saudi Arabia mula sa dayuhan. Pero wala silang demokrasya. Ruling House of Saud ang nagpapasya.
Balik tayo sa Pinas. Matagal na tayong malaya, 1945 pa. Pinatalsik ang diktador nung 1986. Pero maraming umaangal na di-umuubra ang demokrasya. Kasi, ayaw tanggapin ang pasya ng majority. Nariyan ang Erap loyalists na pinipilit na hindi raw nag-resign si Joseph Estrada, miski tatlong beses na nag-ruling ang Korte Suprema. Nariyan ang iilang sidewalk vendors na sinusuway ang batas dahil mahirap lang daw sila. At kung bumoto, hindi sa isyu kundi popularidad.
Para sa Pilipino, kumbaga sa math, Demokrasya = Kalayaan. Pero magkaiba ito. Demokrasya  Kalayaan.