^

PSN Opinyon

Sec. Lina, unahin mo ang mga Doberman ng CIDG

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -
PUPUGAK-PUGAK na ang kampanya ni Interior Secretary Joey Lina laban sa jueteng. At ’ika nga sa makina ng sasakyan, paitim nang paitim na ang ibinubuga nitong usok. Nanganganib na ring matuloy na mapugutan ng leeg si Lina. Kaya siguro lumalakas ang ugong na mapapalitan siya bago mag-Disyembre ay dahil na rin sa walang direksiyon na kampanya niya sa jueteng.

Kung tahimik si Lina laban sa jueteng nitong nakaraang mga araw, pati ang kanyang operating arm na Task Force Jericho ay wala ring balita. Ang tanong sa ngayon ng mga pulis na nakausap ko, nabusalan na ba ng mga gambling lord si Lina at ang Task Force Jericho niya? Baka may kasagutan dito si Atty. Morga, di ba mga suki?

Pitong buwan na noong November 3 ang jueteng campaign ni Lina at kung ang nagsusulputang report ang paniniwalaan, ni hindi pinansin ng mga gambling lords ang mga nagtatalsikang laway niya. Pati nga ang simbahan ay nadismaya na at dadaanin na lang daw sa dasal ang pagpuksa sa jueteng dahil ayaw ng kumilos ni Supt. Noel Estanislao, ang hepe ng Jericho at iba pang unit ng pulisya. At balik na rin ang ligaya ng mga taga-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagsitabaan ang mga K-9 o doberman nilang kolektor na walang habas na nananagasa.

Ang napupuna pa ng mga nakausap ko ay panay panganak ng mga unit sa CIDG eh hindi naman para puksain ang mga kriminal ang tunay na layunin nila kundi para lang madagdagan ang lingguhang intelihensiya nila. Alam ’yan ni Supt. Manuel Pinera ang hepe ng CIDO. ’Yan kaya ang pangunahing dahilan para manganak itong CIDO ng SAT at SOG? Sa pagkaalam ko itong SOG at SAT ng CIDO, na ang hepe ay si Capt. Matillano, ay dapat lang lumakad laban sa illegal smuggling pero pati sa pasugalan ay nakisawsaw na rin sila. Baka gusto nila atakehin sa puso ang mga gambling lords tulad ni Central Luzon jueteng King Bong Pineda, di ba mga suki?

Kung gusto ni Lina na maniwala sa kanya ang sambayanan na sinsero siya sa jueteng campaign niya, siguro dapat lang na unahin niya ang mga K-9 o Doberman ng CIDG. Pero sa tingin ko hindi mangyayari ito dahil mga tauhan nga ni Estanislao eh hindi madisiplina ni Lina itong ibang tao pa kaya? Maraming tauhan nga ni Estanislao kasi ang nahuli na ng pulisya natin na nangongotong pero sa hanay ba ng mga kolektor ng PNP may naaresto na ba si Lina? Eh di wala. Maliwanag na kinukunsinti ni Lina itong aktibidades ng mga taong kolektor kaya’t hayan nauwi sa wala ang jueteng campaign niya.

Kahit saan ituon ni Lina ang kanyang paningin sa ngayon ay may nangungobra ng taya sa jueteng. Pero may nahuhuli ba ang Task Force Jericho? Paano sila manghuhuli eh busog silang lahat. He-he-he! Si Sen. Robert Barbers kaya ay may magagawa laban sa jueteng? Abangan.

CENTRAL LUZON

CRIMINAL INVESTIGATION AND DETECTION GROUP

ESTANISLAO

INTERIOR SECRETARY JOEY LINA

JUETENG

KING BONG PINEDA

LINA

MANUEL PINERA

TASK FORCE JERICHO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with