Diskriminasyon sa trabaho

KASO ito ng isang international school na umaarkila ng mga guro mula sa iba’t ibang nasyonalidad. Local hires, kapag ang mga guro ay residente at may iba pang ikinabubuhay sa Pilipinas. Ito rin ang tawag sa ibang nasyonalidad kung ang kanilang empleo ay sa Pilipinas kinuha. Foreign hires, naman ang tawag sa ibang guro.

Ang mga foreign hires ay nakatatanggap ng transportation allowances, shipping costs, taxes, at home leave travel allowances. Ang suweldo nila ay 25 percent higit sa mga local hires.

Nang magkaroon ng bagong negosasyon ng CBA, kinuwestiyon ng lokal na unyon ng mga local hires ang pagkakaiba sa suweldo nila sa mga foreign hires. Sinabi nilang dapat na magkapareho ang tinatanggap nilang suweldo dahil pareho ang kanilang serbisyo. Kundi, isa raw itong malinaw na diskriminasyon sa lahi.

Sinalungat ng eskuwelahan ang argumento ng unyon. Una, may iba pa raw miyembro ng faculty na iba ang nasyonalidad subalit kabilang sa local hires kung saan ang suweldo ay kapareho ng mga Pilipino. Ikalawa, may pagkakaiba sa suweldo dahil mas limitado ang termino ng serbisyo at kontrata ng mga foreign hires samantalang ang mga local hires ay may garantiya rito. At dahil nagmula pa ang mga foreign hires sa malalayong lugar, kailangang gamitin ang mas magagandang benepisyo para maakit silang magturo sa Pilipinas. Inayunan ng DOLE ang eskuwelahan. Tama ba ito?

Mali.
Hindi pinapayagan ng ating Konstitusyon at ng International Law ang pagkakaroon ng diskriminasyon sa trabaho. Ang ‘‘equal pay for equal work’’ ay kailangang sundin lalo na at pareho ang serbisyong iginagawad kahit pa may ‘‘international character’’ ang eskuwelahan.

Kung ipinasok ng eskuwelahan ang mga local hires at foreign hires sa parehong posisyon at ranggo, ipinapalagay na pareho ang kanilang suweldong matatanggap. Kung magkaroon ng pagkakaiba sa suweldo at trato sa mga empleyado, ang employer ang kailangang magpaliwanag nito at hindi ang empleyado.

Taliwas ang nangyari sa kasong ito. Hindi rin napatunayan na mas produktibo ang mga foreign hires kaysa sa mga local hires. Ang dalawang grupo ay may parehong responsibilidad at tungkulin at kundisyon sa paggawa.

Ang suweldo ay itinuturing na gantimpala sa sebisyong iginawad ng mga empleyado sa eskuwelahan. Sapat na rin ang mga benepisyong ibinigay sa mga foreign hires. At hindi pareho ang serbisyong iginagawad ng dalawang grupo, kailangang pareho rin ang suweldo nilang matatanggap (International School etc. vs. Quisumbing et. al. G.R. No. 128845 June 1, 2000).

Show comments