Yan nga ang nangyari sa anak na dalaga ng leader ng malaking Catholic renewal group. Bagong graduate sa college ang bata. Mabait, masunurin, maka-Diyos. Nag-oorganisa ng prayer cell ng mga kabataan. Magre-renew siya ng drivers license kamakailan, pero nag-positive siya sa marijuana. Ni-revoke tuloy ang lumang lisensiya at pinagbawalang kumuha ng bago sa loob ng anim na buwan. Nilagay sa computer blacklist ng Land Transportation Office para hindi makakuha sa kahit anong ahensiya ng LTO. Nagpa-test muli siya sa UERM Hospital at sa PNP Crime Laboratory. Negative naman. Siguro kaya nag-positive nung una ay dahil umiinom siya ng kung anu-anong Chinese herbal tablets para tumangkad, kuminis ang kutis at luminis ang bituka. O baka nakasinghot ng second-hand marijuana smoke sa isang party.
Nasa pangangasiwa ng Dangerous Drugs Board ang drug-testing clinics. Pero ililipat sa Enero sa jurisdiction ng DOH. Ayon sa bagong R.A. 9165, tungkulin na ng DDB ang pagpuksa sa drug lords at paggamot sa addicts. Sa ilalim nito ang bagong Philippine Drug Enforcement Agency.
Sana makahanap ang DOH at testing clinics ng mas mabisang paraan para ma-detect ang shabu, sa ihi man o ibang bahagi ng katawan. Mas marami kasing gumagamit ng synthetic substance na ito, at mas mapinsala sa utak kaysa marijuana.