Nanawagan si Civil Service Commissioner Karina David sa mga tiwaling taong gobyerno na hindi na magtatagal ang kanilang masamang gawain. Isang problema kung bakit hindi sumusulong ang maraming proyekto ng pamahalaan. Ayon kay David, kadalasan ang mga sasakyan ng pamahalaan na for official use only ay ginagamit sa personal na lakad ng ilang empleyado.
Maraming report na ang mga government vehicles ay ginagamit na panghatid sa eskwelahan ng mga anak at gamit din ni Misis sa kanyang pamamalengke, pagsa-shopping, paglalamyerda at maging sa pagpipiknik ng pamilya. Marami ring government vehicles ang nakikitang naka-park sa mga restawran, night club at iba pang entertainment places. Ayon kay David dapat na kunin ang plate number ng mga sasakyan at i-report sa kanyang tanggapan.
Isa pa ring raket ng mga abusadong empleyado ay ang pang-uumit ng bond paper, lapis, ballpen, stapler at iba pang gamit na inuuwi nila sa bahay. Ang salaping ibinili ng mga kagamitang ito ay buhat sa buwis ng mga mamamayan.
Anumang reklamo sa mga tiwaling taong gobyerno ay maaring isulat o itawag sa CSC at puwede ring i-text sa (0917) 8390672.
Panahon na para malipol ang mga tiwaling taong gobyerno.