Ipinakita ng mamamayan na buo ang kanilang loob na suungin ang pananakot ng mga terorista. Naging alerto sila sa sinumang maghahasik ng lagim. Naging aral na marahil ang pagsabog ng ilang bus kamakailan sa Balintawak, Quezon City.
Kapansin-pansin kahapon ang pagtupad sa tungkulin ng military, pulisya at pati na ang mga pribadong agencies. Napanatili nila ang kaayusan at pagbibigay seguridad sa mga mamamayan hindi lamang sa mga bus at port terminal kundi pati na sa mga memorial parks at mga sementeryo. Nagbigay ito ng kapanatagan sa mamamayan.
Kahanga-hanga ang ipinamalas na tapang ng mamamayan sa harap ng panganib na dulot ng mga terorista. Ito ang dapat na talagang ipamukha ng mamamayang Pilipino sa mga terorista. Hindi natin dapat ipakita na natatakot tayo sa kanila.
Naniniwala ako na batay sa mga kasaysayan, mahihinto rin ang terorismo sa ating bayan kung tayo mismong mga mamamayan ay makikipagtulungan sa mga awtoridad sa mga dapat gawin.