Ang pagiging alerto ngayong araw na ito ay hindi dapat alisin ng bawat isa habang ginugunita ang kaluluwa ng kanilang mga yumao. Ang mga teroristang uhaw sa dugo ng kanilang kapwa ay maaaring sumalakay sa katindihan ng pagseselebra ngayong araw na ito. Maaari silang maghasik ng lagim habang marami ang nagsasaya sa loob ng sementeryo. Lalo na ngat ngayoy mistulang nagiging picnic na ang sementeryo, may kainan, inuman ng alak, walang patumanggang pagpapatugtog na parang nasa disco at kung anu-ano pang paraan ng pagsasaya. Ang ganitong tanawin ay maaaring samantalahin ng mga terorista at sa iglap, bung! Sa dami ng tao sa sementeryo gaano karaming inosenteng sibilyan ang mamamatay kapag hindi naging alerto ang lahat.
Ang pagsabog ng isang pampasaherong bus sa Balintawak noong October 18 na ikinamatay ng dalawang tao at pagkakasugat nang maraming iba pa ay hindi dapat kalimutan. Gaano karami na rin ang namatay sa pambobomba sa Zamboanga at iba pang lugar sa Mindanao. Sino ang makalilimot sa Dec. 30, 2000 bombing na marami rin ang namatay?
Hindi titigil ang mga terorista sa pagsasabog ng lagim. Ang mga nangyaring pagsabog ay pasimula lamang at ngayong araw na ito, kasabay sa paggunita sa kaluluwa ng mga yumao, kinakailangang maging matalas at alerto sa lahat ng oras. Nasa paligid lamang ang mga uhaw sa dugo at naghihintay ng pagkakataon. Maging mapagmatyag at maki-cooperate sa mga pulis. Ipagbigay-alam sa mga pulis ang mga napapansing kahina-hinalang mga tao sa loob ng sementeryo. Ang pakikipagtulungan sa mga awtoridad ay isang hakbang para madurog ang terorismo.