Bago pumunta si Lester sa picnic, humingi siya ng pera sa ama. Tinanong siya kung saan ang picnic pero hindi sumagot si Lester. Dahil abala sa trabaho si Don, binigyan na lamang niya ng pera ang anak. Ibinigay naman ni Luisa ang nilutong adobo para sa pagkain ng anak.
Nandoon sa picnic sina Ms. Santos, ang class adviser ng Class 1-C at si Ms. Cruz, isa ring guro ng paaralan. Kasama rin sina Mr. Lanuza at Mr. Dionisio, mga guro sa P.E. at scout masters ng paaralan na may kaalaman sa "life saving measures", na inimbitahan ni Ms. Santos para makatulong sa pagtingin sa mga bata. Dala rin ng grupo ang mga salbabida, kung sakaling may emergency.
Binigyan ng paalala ng mga guro ang mga bata bago sila lumangoy pero hindi inalam ang lalim ng dagat. Si Mr. Dionisio, isa sa mga lifeguards, ay pumunta sa rest house para kunin ang kanyang pagkain. Habang masayang lumalangoy ang mga bata, nakarinig sila ng sigaw ng nalulunod nilang guro. Tumulong sa pagsagip si Lester pero nalunod din siya. Nang makuha ang katawan ni Lester, ginawan nina Mr. Lanuza at Mr. Dionisio ng lahat ng paraan para buhayin siya pero namatan din.
Kinasuhan ni Don at Luisa ang paaralan, ang prinsipal at ang mga guro na kasama sa picnic na sina Ms. Santos at Ms. Cruz, Mr. Lanuza at Mr. Dionisio para sa bayad-pinsala. May pananagutan ba sila?
Wala. Sabi ng Korte Suprema sa 3-2 desisyon, hindi nagpabaya ang mga gurong kasama sa picnic. Pinayagan nina Don at Luisa ang kanilang anak na sumama sa picnic. Ang pagbibigay ni Don ng pera kahit na hindi niya nalaman ang lugar at ang pagluluto ng adobo ni Luisa ay malinaw na pag-ayon sa pagsama ng kanilang anak sa picnic. Hindi rin nagpabaya si Ms. Santos dahil inimbitahan pa niya sina Mr. Lanuza at Mr. Dionisio para magarantiya ang kaligtasan ng mga bata. Nabigyan din ng mga salbabida ang bawat isa. Ginawa rin nina Mr. Lanuza at Mr. Dionisio ang lahat na posibleng paraan para buhayin si Lester.
Sa kabilang banda, bago managot ang paaralan at ang prinsipal, ang aksidente ay dapat nangyari habang ang mga guro ay nasa aktuwal na pagganap ng tungkulin bilang mga guro. Pero hindi ito ang kaso, nangyari ang aksidente sa labas ng paaralan at isa itong pribadong pamamasyal. Hindi mananagot ang paaralan at ang mga guro sa bayad-pinsala.
Sa isang opinyon sa Korte Suprema, hindi raw nagkaroon ng sapat na pag-iingat ang mga guro. Hindi nila inalam ang lalim ng tubig-dagat na sana ay naiwasan ang pagkalunod ng kanilang mga kasama. Nagkaroon lamang sila ng kinakailangang pag-iingat nang matapos na ang aksidente. (St. Francis High School, et. al., vs. Court of Appeals, 194 SCRA 341)