Sinabi sa mga naglalabasang report na si PNP chief Director General Hermogenes Ebdane Jr. ay naglaan ng P8 milyon na pondo para maayos kaagad ang NCRPO headquarters para malipatan agad ng hepe nito na si Deputy Director General Reynaldo Velasco at ng kanyang mga staff officers.
Ang dapat pala sanang gawin ni Signey ay i-release ang naturang P8 milyon sa NCRPO at bahala na si Velasco kung paano niya maisaayos nga ang opisina niya. Pero itong si Signey, ayon sa mga pulis na nakausap ko, ay nag-hire ng isang engineering firm at siya na mismo ang nakialam para sa mga materyales na gagamitin sa trabaho. Mukhang hindi ito dumaan sa isang bidding, di ba mga suki? Saan na sa ngayon ang ipinagyayabang na transparency sa gobyerno ni Presidente Arroyo?
Sa kasalukuyan, abala ang engineering firm ni Signey na baguhin ang bubong, mga kubeta, tiles at kung ano pang bahagi ng NCRPO headquarters na hindi na mapakinabangan. Naglalatag na rin sila ng isang water supply dahil wala namang linya ang MWSS sa kanila. Sinabi ng engineering firm ni Signey, na matatapos nila ang proyekto bago mag-December 15, 2002.
Ang pansamantalang opisina kasi ng NCRPO sa NIA Road sa Quezon City ay uukopahin naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil baka mahuli nilang muli ang drug lord na si Henry Tan na nakatakas sa kanilang kulungan. Baka makahuli na rin sila ng bigtime drug pushers at maka-neutralize ng isang shabu laboratory kapag may bagong opisina na sila, di ba mga suki?
Ang opisina naman ng PDEA na matatagpuan sa harap ng opisina ni Ebdane sa Camp Crame ay gagawing headquarters naman ng Makati City based International Affairs Service (IAS) ng PNP. Iminungkahi naman ng mga taga-NCRPO kay Gen. Ebdane na ipa-audit niyang maigi ang gastusin sa pag-renovate ng kanilang headquarters para maiwasan ang suspetsa na kumita rito si Signey, di ba mga suki?
Kung sabagay, nagtataka ang mga taga-NCRPO kung bakit hindi man lang umiimik itong si Velasco sa ginawang pagsawalang-bahala sa kanya ni Signey. Sigurado naman akong abot na ni Velasco ang dahilan dito dahil siya mismo naman ang pinalitan ni Signey sa directorate for comptrollership, anang mga pulis. Bukas ang kolum ko sa panig ni General Signey.