Bomba rito, bomba roon ang ginagawa na para bang nagmimistulang inutil ang military at kapulisan. Noong nakaraang Biyernes, isang pampasaherong bus ang sumabog sa may Balintawak, Quezon City. Nitong Linggo ng gabi, isang bomba na naman ang pinasabog sa isang Catholic shrine sa Zamboanga City na ikinamatay ng dalawang tao.
Walang dapat sayangin ang pamahalaan para mahuli ang mga naghahasik ng lagim. Huwag na nating hintayin pa na mangatog ang buong katawan ng ating mga kababayan lalo nat may mga balita na nagsasaad na simula pa lamang daw ito ng marami pang pambobomba.
May umuugong na balita na ang mga bombahang nagaganap ay hindi kagagawan ng Al-Qaeda ni Osama bin Laden ng international terrorists na katulad ng Jamaah Islamiyah. Hindi rin daw CPP-NPA, MILF at Abu Sayyaf. Ang nasa likod daw ng mga pagsabog ay mga grupong dapat lamang na magtanggol at magbantay ng kapakanan ng mamamayang Pilipino nang sa ganoon daw ay para lumaki pa ang pondo ng mga ito. Abaw, linti. Kapag ito ang naging totoo, mas malaking bomba.