Kailangan disiplinahin sila. Barado na ang mga estero dahil sa kalat sa kalye. Dumadami ang kalat dahil sa katamaran ng ilan sa pagsunod sa batas. Ipahuli dapat sila sa barangay officials.
Buwisit si MMDA chairman Bayani Fernando sa barangay leaders na di kayang sumita sa pala-kalat na residente o negosyante. Botante at election campaign donors kasi nila ang mga ito. Pero ayon sa Solid Waste Management Act, nangunguna dapat ang officials sa paglilinis ng kani-kanilang barangay. Kaya nga binalakan idemanda ni dating chairman Benjamin Abalos ang mga pabayang officials.
Lalakas siguro ang loob ng barangay officials kung i-deputize sila ng MMDA bilang taga-issue ng citation sa mga makalat. Sasampolan nila ang ilang residentet dayo na nagtatambak ng basura. Manginginig na ang iba pa, at mapapasunod sa batas-kalinisan.
Nakakatakot maisyuhan ng garbage citation. Kailangan humarap sa Korte para magpaliwanag. Malamang mahatulang guilty at patawan ng multa. Kung madalas ma-citation, may kulong na.
Hindi lang yon. Dahil krimen ang pagkakalat, papasok sa NBI, police, barangay at court records ang citation. Nakakahiya para sa isang naghahanap ng trabaho kung lumitaw sa NBI clearance niya ang citation ng pagkakalat. Sasabihin ng nagre-recruit na hindi siya kanais-nais dahil ugaling-baboy. Malamang na hindi makakuha ng visa kung sa abroad balak magtrabaho. Kailangan silang madala, para ugaliin ang paglilinis.