Marami ang nagpasalamat nang maging batas ang Clean Air Act sapagkat sa wakas ang mga nagbubuga ng mga nakalalasong hangin ay mawawala na sa paningin. Matatagpas na ang mga pabrikat kompanyang gumagamit ng incinerators, mawawala na ang mga kakarag-karag na bus na matagal nang nagyayaot partikular sa kahabaan ng EDSA. Subalit nakadidismaya na walang nangyari sa Clean Air Act sa kabila na pinagtalunan at ginastusan ng pamahalaan. Ang mga sasakyang nagbubuga ng nakalalasong usok at ang mga incinerator ay nariyan pa rin. Hindi matinag kahit na mayroong batas na nakalatag.
Ang mga tagapagpatupad ng Clean Air Act, partikular ang Department of Transportation and Communications (DOTC) at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay hindi seryoso sa paglilinis ng hangin. Sa simula lamang sila nagpapakitang-gilas subalit kapag tumagal na ay parang bulang nawawala. Ningas-kugon.
Sa pagsakote na lamang sa mga smoke-belchers ay walang magawa ang mga DOTC. Magsasagawa ng paghuli sa mga kakarag-karag na sasakyan ngayon subalit kinabukasan ay makikita na naman sa lansangan. Pakitang tao lamang ang paghuli. Pati ang mandatory smoke emission test ay nasa balag ng alanganing matuloy sa kasalukuyan.
Ang DENR naman ay walang makitang direksiyon kung paano makatutulong sa paglilinis ng hangin. Walang programa ang nasabing departamento kung paano nga ba magkakaroon ng matalas na ngipin at matatagpas ang mga nagbubuga ng lason sa kapaligiran lalo na rito sa Metro Manila.
Nahaharap sa matinding problema ang mga taga-Metro Manila kapag nag-urung-sulong ang mga sangkot ng departamento. Kawawang taga-Metro Manila na unti-unting pinapatay ng maruming hangin.