Nabasa ko ang sulat sa inyo ni Albert ng Parañaque tungkol sa kagustuhan nilang mag-miyembro ng Pag-IBIG. Iminungkahi ninyong kausapin nila ang kanilang employer. Ako at ang aking mga kasamahan sa trabaho, mga 30 po kami ay mas mahirap ang kalagayan, ilang beses na naming kinausap ang aming employer subalit tumanggi siyang maging miyembro kami ng Pag-IBIG.
Ano ba ang dapat naming gawin upang maging miyembro ng Pag-IBIG sapagkat gusto naming malasap ang mga benepisyo gaya ng housing loan, multi-purpose loan at iba pa? Dely Dela Cruz ng Quezon City
Ayon sa Presidential Decree 1752 (batas na lumikha sa Pag-IBIG Fund) mandatory na miyembro ng Pag-IBIG, ang lahat ng miyembro ng SSS at GSIS. Kung miyembro kayo ng SSS dapat na maging miyembro rin kayo ng Pag-IBIG. Dahil sa pagtanggi ng inyong employer, pinapayuhan ko kayong magtungo sa Legal Department ng Pag-IBIG Fund sa 8th Floor Atrium Bldg., Makati Avenue, Makati City upang personal na maghain ng reklamo.
Iimbestigahan ng Legal Department ang inyong kaso. Kapag napatunayang tumanggi ang employer na irehistro kayo sa Pag-IBIG, maaari siyang ihabla ng Pag-IBIG Fund sa kasong kriminal sa paglabag ng PD 1752. Ayon sa batas na ito ang pagtanggi o hindi pagrehistro ng employer ang mga empleado nito sa Pag-IBIG ay maaaring patawan ng kaparusahan ng pagkabilanggo ng hindi hihigit ng anim na taon.