Dumating sa NAIA si Manolo noong 1985 kasama ang kanyang asawat anak mula sa San Francisco. Dumiretso kaagad sila sa counter kung saan makukuha nila ang kanilang 12 balikbayan boxes. Subalit 11 bagahe lamang ang kanilang nakuha. Inabisuhan ni Manolo ang empleyadong tumitingin sa mga bagahe at kinilala naman nito ang 12 bagahe ni Manolo. Inamin naman ni Manolo na hindi niya idineklara ang halaga ng mga laman ng mga nawawalang bagahe.
Makalipas ang paghahanap, hindi na natagpuan ang nawawalang bagahe. Nagsampa ng kaso si Manolo laban sa airline company. Pinatunayan niya ang mga laman nito pati na ang halaga na umaabot sa $2,000. Sinabi ng airline company na ayon sa Warsaw Convention kung saan ang Pilipinas ay miyembro nito, ang kanilang obligasyon ay limitado lamang sa $20 base sa timbang ng nawawalang bagahe. Tama ba ang airline company?
Mali. Hindi naglalayon ang Warsaw Convention na alisin ang obligasyon ng isang airline lalo na kung ang pagkawala ng bagahe ay dahil sa kapabayaan ng airline at ng mga empleyado nito.
Ayon sa Artikulo 1753 ng Kodigo Sibil, ang batas ng bansang paghahatiran ng mga kalakal ang siyang mamamahala sa pananagutan ng sasakyang pangmadla para sa pagkawala o pagkasira ng mga kalakal. Sa kasong ito, ang kodigo sibil ng Pilipinas ang susundin. Batay din sa nasabing kodigo sibil, ang carrier ay may tungkulin na isagawa ang di-pangkaraniwang sikap at tiyaga sa pag-iingat sa mga kalakal. Ipinalalagay din ng batas na ang pagkawala o pagkasira ng mga kalakal ay pananagutan ng airline. Hindi napangibabawan ng airline company ang palagay na ito. (Lufthansa vs. IAC 207 SCRA 350; PAL vs CA 207 SCRA 100)