Malaon nang dinudumog ng squatters ang La Mesa Dam. Miski nalilibutan ng pader ang 3,000-ektaryang compound, pinapasok pa rin para tayuan ng barong-barong. Yung iba, mayaman. Nagtayo ng poultry, piggery at breeding farm ng aso. Lahat sila pinuputol at ninanakaw ang matatandang narra, ipil at yakal sa nakakalbong gubat.
Wala kasing guard sa gubat sa paligid ng dam. Ang binabantayan lang ng kokonting security personnel ay dalawang gate sa Novaliches at Fairview, Quezon City, at dalawang filtration plant sa gilid ng dam lake. Inalis na ang mga sundalong dating nagpa-patrol sa gubat laban sa posibleng sabotahe sa tubig-inumin ng Maynilat karatig na probinsiya.
Mahigit 1,200 ektarya ng gubat sa dam ay kinalbo ng illegal loggers. Naglipana sila sa gawing Montalban, Rizal. Nagbahay sila sa gilid ng gubat, at binubuwal ang malalaking puno sa pamamagitan ng chainsaw para ibenta. Hindi sinasaway ng gobyerno.
Nung 1997 nagboluntaryo ang Bantay Kalikasan na i-reforest ang La Mesa. Namili ang foundation ng binhi, nagtayo ng tree nursery, at nagsimulang magtanim ng puno. Nag-hire ito ng sariling caretakers na nagsisilbi ring forest guards miski walang baril. Matapang nilang binubugaw ang illegal loggers tuwing naririnig ang garalgal ng chainsaws.
Nung Martes, nanananghalian si Glee at asawa nito sa foundation staff house nang pasukin sila ng limang lalaki. Binaril si Glee ng dalawa. Binunot niya ang itak na panghawan sa sukal sa nursery, at tinaga ang isa. Binaril ulit siya sa likod. Inagaw ng isa ang itak at pinagtataga si Glee sa leeg hanggang mapugot ang ulo.
Illegal tree cutters ang mga nanloob. Maliit na krimen lang dati, pero hinayaan. Mula mamumutol ng puno, naging mamumugot ng ulo.