Editoryal - Upakan ang corrupt sa pamahalaan

MAY bago nang Ombudsman sa katauhan ni Solicitor General Simeon Marcelo. Hinirang siya ni President Gloria Macapagal-Arroyo noong Huwebes. Pinalitan ni Marcelo ang nagretirong si Aniano Desierto noong August 4. Si Marcelo ay isa sa mga private prosecutors sa impeachment trial ni dating President Joseph Estrada.

Sa pagkakahirang kay Marcelo, marami ang umaasa na magkakaroon ng katapat ang mga corrupt sa pamahalaan. Madudurog ang mga tiwali na matagal nang nagpapahirap sa bansang ito. Hindi na balita ang mga pinuno ng mga ahensiya ng gobyerno na nasasabit sa katiwalian. Nagpapayaman sa puwesto sa pamamagitan ng pagsipsip sa kabang yaman. Ang katiwalian sa bansang ito ang dahilan kung bakit marami sa mga dayuhang investors ang takot nang magnegosyo rito. Maski ang US ambassador na si Frank Ricciardoni ay nagpahayag nang grabeng corruption at maski ang judiciary ay nakulapulan na rin ng putik. Matagal nang inirereklamo ang katiwalian subalit walang magawa ang namumuno sa bansang ito kung paano sila madudurog.

Nakaatang sa balikat ni Marcelo ang bigat ng responsibilidad sa pagwasak sa mga nagpapahirap sa bansa. Ang ipinakita niyang tapang sa panahon ng impeachment trial ni Estrada ay inaasahang ipakikita rin niya sa mga corrupt sa pamahalaan. Ang ipinakita niyang imahe na hindi "mabibili" o masisilaw sa kinang ng salapi ang inaasahang gagawin niya ngayong siya na ang Ombudsman. Kung noon ay mas mabagsik siya kailangang doble pa ang gawin niya dahil sa dami ng mga corrupt. Kailangan ang matalim na ngipin para madurog ang mga corrupt.

Isa sa mga dapat unahing sampolan ni Marcelo ay ang katiwalian sa Public Estates Authority na ang mga official ay sangkot sa alleged overpricing ng President Diosdado Macapagal Boulevard (PDMB). Overpriced ng P600 million ang PDMB.

Ipakita sana ni Marcelo ang pagtupad sa iniatas sa kanyang tungkulin na durugin ang mga corrupt at ipagtanggol ang interes ng taumbayan. Hindi dapat mabahiran ng pulitika ang gagawin niyang pagsisilbi sa taumbayan. Sa kanya na rin nanggaling na siya ay may takot sa Diyos sapagkat dating seminarista. Ang isang may takot sa Diyos ay nakikita ang katotohanan. Hindi dapat mangimi si Marcelo na patawan ng parusa ang mga nagkakamali lalo pa at nagsasamantala sa bansa. Upakan ang mga kurakot sa pamahalaan!

Show comments