Paanyaya para sa isang kasalan

INIHALINTULAD ni Jesus ang kaligtasan sa isang kasalan. Sa ebanghelyo sa Linggong ito, ibinibigay sa atin ang isang talinghaga tungkol sa kasalan. Mga tao’y inanyayahan. May ilan na tumanggi sa paanyaya. May ilan na dumalo ng kasalan ngunit hindi nakabihis nang angkop sa okasyon.

Narito ang salaysay ni Mateo sa naturang ebanghelyo (Mt.22:1-14).

"Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, ‘Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: Naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, "Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: Napatay na ang mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!" ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lunsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, "Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo." Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masasama’t mabuti, anupat napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.

"Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. "kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamit pangkasalan?’ tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya’t sinabi ng hari sa mga katulong, "Gapusin ninyo ang kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin." Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang."


Ang buhay sa langit, ang wakas ng kaligtasan, ay isang kasalan. Ito ay ang kasal ni Jesus sa buong sangkatauhan. Sa kasaysayan ng kaligtasan, ang mga Judio ang unang tinawag sa kasalan. Sinugo sa kanila ng Ama ang Anak. Subalit tumanggi silang tanggapin si Jesus. Ipinapatay ng mga punong-saserdote si Jesus. Kung kaya’t ang kaligtasan ay inihandog sa mga Hentil – ang hindi mga Judio. Tinanggap ng mga ito ang paanyaya – ang paanyaya ng kaligtasan. ngunit ang lahat ng tumatanggap sa paanyaya, kahit na mga Hentil, ay dapat maging bihis nang tama at angkop sa okasyon.

At ano ang tamang bihis? Bawat isa sa atin na nais maging bahagi ng kasalan ay dapat magkaroon ng pananampalataya. Pananalig sa kabutihan ng Ama at ni Jesus. At dapat ipakita natin ang konkretong mga gawain ng pagmamahal para sa ating kapwa.

Show comments