Salvaging: Uso na naman?

HANGGANG sa kasalukuyan, mainit pa rin ang usap-usapan tungkol sa pagpaslang sa mga kidnap suspect na sina Dado Santos, Rodolfo Patinio at Eugene Radam noong madaling araw ng Sept. 18.

Naiba ang kulay ng nasabing ‘‘shootout’’ na naganap sa panig nina Santos at ng mga pulis matapos mailabas ang independent autopsy report na isinagawa ni UP forensics expert Dr. Raquel Fortun.

Lumalabas sa report na binaril pa sa bibig si Santos, sa kabila na may dalawang tama na ito ng bala sa dibdib. Ayon sa report, ang tama sa bibig na tumagos sa likod ng ulo ni Santos ay ang pinakahuling tamang tinamo nito.

Sa madaling salita, maaaring patay na si Santos nang barilin pa ito sa bibig. Kung totoo man ang pananaw na ito, ang tama ng bala sa bibig ni Santos ay maituturing na isang ‘‘coup de grace ’’ o ‘‘finish off shot’’ na isinagawa ng mga pulis.

Matapos kumpirmahin ni Dr. Fortun ang nasabing report, hindi naman maiwasan ng NBI na ipahayag ang kanilang posisyon sa nasabing pangyayari, at nanatili sa kanilang report na shootout nga raw ang naganap at hindi rubout, o salvaging ang ikinamatay nina Santos at ng kanyang mga kasama.

Para sa mga pulis na nabanggit, hindi kaya tila isang kalabisan ang naganap kay Santos, kung totoo ngang ito’y nakipaglaban sa mga awtoridad?

Bagamat siya’y isang suspect sa isang karumal-dumal na krimen, nagmistulang biktima na rin ng karahasan si Santos sa kamay ng ilang mga pulis.

Nauuso na naman ba ang salvaging, o summary execution, sa hanay ng pulisya. Tinatawagan ang ating mga awtoridad na bigyan ng kaukulan at karampatang hakbang ang usaping ito para sa kapakanan ng mga biktima, at muling ibangon ang karangalan ng pulisya.
* * *
Para sa mga katanungan o mga hinaing iparating lamang ang mga ito sa vacc98@hotmail.com o tumawag sa opisina ng VACC sa tel. No. 525-9126 loc. 13, 20 at 21 at Telefax 525-6277.

Show comments