Nitong nakaraang buwan may nabasa ako sa diyaryo tungkol sa housing bonds ng Pag-IBIG. Gusto ko sanang magkaroon ng karagdagang kaalaman tungkol dito.
Ako ay dating OFW. Mahigit 20 taon akong nagtrabaho sa ibang bansa kung kaya malaki na rin ang ipon naming mag-asawa. Nais ko sanang bumili ng housing bonds upang kumita ang aming pera. Mr. Joselito De Leon
Ang housing bonds ng Pag-IBIG ay binebenta upang makalikom ng karagdagang pondo para ipatupad ang mga programa at proyektong pabahay ng gobyerno. Ang housing bonds ay may term na limang taon at isang araw. Maaaring bumili ang sinuman, Pag-IBIG member man o hindi, Pilipino man o banyaga. Maging mga government o private corporations ay maaaring bumili nito.
Ang housing bonds ay mabibili sa halagang P5,000, P10,000, P50,000, P100,000, P500,000 at P1,000,000. Walang limitasyon sa halaga ng housing bonds na bibilhin. Ang kita ng bonds ay 8 percent kada taon at ito ay hindi kakaltasan ng buwis hindi gaya ng mga deposito sa banko. Bawat P5,000 halaga ng bonds ay may katumbas na isang raffle number na bobolahin dalawang beses bawat taon, kung saan maaaring manalo ng bahay at lupa. Kumikita na ang pera mo, maaari ka pang manalo ng house and lot.
Ang Development Bank of the Philippines (DBP) ang Facillity Agent o Trustee Bank, maaaring bumili ng bonds mula sa DBP. Ang Home Guaranty Corporation (HGC) ang magbibigay ng garantiya sa halaga ng mga bonds na mabibili pati ang kita nito na 8 percent bawat taon. Ang garantiya ng HGC ay katumbas ng garantiya ng Republika ng Pilipinas. Dagdag dito isang pondo na pambayad utang ang bubuksan sa DBP bilang karagdagang security sa mga nag-invest sa housing bonds. Para sa karagdagang impormasyon at detalye maaaring tumawag sa Investment Department ng Pag-IBIG Fund sa telepono bilang 848-8262; 811-4340.