Isa sa mga nadakip nang pinag-ibayong kampanya laban sa mga salot ay ang suspected drug trafficker na si Henry Tan. Si Tan at ang dalawa pa niyang kasamahan na nakilalang sina Edwin Chua at William Chua ay nahulihan ng 350 kilo ng shabu sa Zambales. Ikinulong ang tatlo sa Camp Crame sa ilalim ng pangangalaga ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Pitong PDEA guards ang naatasang magbantay sa tatlong suspected drug traffickers.
Ang masaklap sa kabila na marami ang guwardiya sa tatlong suspect, nakatakas pa rin si Tan. Nilagari niya ang rehas na bakal ng bintana ng selda noong September 29. Nang makalabas ay inakyat ang pader na bakod ng kampo at nawala na ito sa karamihan ng tao. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nahuhuli si Tan at ipinag-utos na ang "shoot-to-kill order" dito. Ang dalawang kasama ni Tan sa selda ay hindi sumama.
Kamakalawa, isa pang suspected pusher ang nakatakas sa kamay ng pulisya sa Pangasinan. Ang suspect ay nakilalang si Gary Reyes, umanoy bayaw ng Pampanga police Director Sr. Supt. Rodolfo Mendoza. Nakatakas si Reyes, limang oras makaraang maaresto noong Biyernes. Nahulihan si Reyes ng tatlong sachets ng shabu sa Bgy. Poblacion. Tumakas si Reyes dakong 2:25 p.m.
Maraming naaarestong salot ng lipunan, subalit nawawalan ng saysay sapagkat "nakatatakas" o "pinatatakas". Gaano na karaming kaso ang ganito. Maraming pulis o NBI agents ang gumaganap ng tungkulin para mahuli ang mga salot subalit ang mga kasamahan nila sa hanapbuhay ang nagwawaldas sa pinagpaguran kapalit ng pera.
Ang kampanya laban sa mga salot sa bansang ito ay hindi magtatagumpay hanggat may masamang "itlog" sa PNP o maski sa NBI. Patuloy ang pananalasa ng mga salot at walang ipagkakaiba sa Colombia na kontrolado ng drug syndicate ang mga namumuno. Magising sana ang kinauukulan sa tunay na pakikipaglaban sa mga salot ng lipunan.