Himala

INAAMIN ko, hindi ako relihiyosong tao. Malimit pa ngang hindi ako nakapagsisimba tuwing Linggo. May mga oras na nalilimutan ko ang Panginoon, lalo pa’t masaya ako at walang problema. Naaalala ko lang Siya kapag malungkot ako, walang pera, kinakabahan o di kaya’y may mahalagang gagawin… Mabuti na lamang at buhay pa rin ako, may pagkakataong magbago.

Isang gabi ay hindi ko naiwasang mapadaan sa isang kalyeng kilala sa holdapan. Habang binabagtas ko ang kakila-kilabot na kalye ay may napansin ako sa di-kalayuan, isang lalaking nakaupo sa iskinita. Nasabi ko sa sarili, ‘‘Patay, holdaper yata ang lalaking iyon. Wala pa naman akong pera, baka patayin ako nito, ah.’’ Subalit tumuloy pa rin ako sa paglakad. Ilang hakbang na lamang ay malapit na ako sa kanya nang maisipan kong magdasal. Hiniling ko na sana’y hindi siya holdaper at saka sana hindi ako mapaano. Katatapos ko lang magdasal ng mapansin kong nakalampas na ako sa kanya. Bahagya ko siyang nilingon at nakita kong nakaupo pa rin siya. Pinaspasan ko ang aking pagla-kad, mabilis pero hindi naman sobra para hindi magmukhang duwag. Ilang metro na ang layo ko nang muli ko siyang nilingon, may naaninag akong kasama niya tila may dinudukot sa bulsa at hinuhubad ang mga suot na dahas. Matulin akong tumakbo, bagaman hindi ako ganoon kasigurado ay nagtungo ako sa presinto at ini-report ang aking nakita talagang nagpakabayani ako. Mabilis namang rumesponde ang mga pulis! At tama ang hinala ko, holdaper nga ang lalaki! Umiiyak ang pinakahuli niyang biktima. Ako bilang isang testigo ay kasamang bumalik sa istasyon. Nasa likod na ng rehas ang lalaki nang nilapitan ko siya upang tanungin, ‘‘Bakit hindi ako ang hinoldap mo, maayos din naman ang bihis ko at nauna pa akong dumaan sa harap mo?’’ Tumingin sa akin ang lalaki at sumagot na may halong pagkainis, ‘‘Sira ulo ka pala eh. Paano kita hoholdapin eh ang dami-dami mong kasama kanina." Nagulat ako sa sinabi niya. Wala naman kasi akong kasama ng mga oras na iyon. Hindi na ako nakapagsalita. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata at nagpasalamat sa Diyos.

Naisip ko na noong mga oras na iyon ay kasama ko ang Diyos. Hiningi ko ang Kanyang tulong at hindi Niya ako binigo. Napagtanto kong makapangyarihan ang panalangin.
* * *
Si Filemon ay dating Editor-in-Chief ng Teknogham at Associate Editor ng Science Gazette ng Mandaluyong City Science High School. Kasalukuyang nag-aaral sa University of the Philippines, Manila ng BS Pharmacy. Taga-Busilak St., Barangka Drive, Mandaluyong City.

Show comments