Subalit mukha yatang hindi umeepekto ang hanga-ring ito ni GMA sapagkat sa halip na mabawasan, dumadami pa ang mga krimen. Ang kidnapping, carnapping, robbery, akyat bahay, rape, patayan, illegal gambling, drugs ay wala pa ring tigil sa pamamayagpag.
Para bagang panunuya at pagsampal sa mukha ni GMA, nadagdagan pa ang mga kaguluhang dapat na puspusang harapin ng Presidente. Ito ang pagiging aktibo ng New Peoples Army na sunud-sunod nang sumalakay sa mga police station. Nilusob noong nakaraang Linggo ang police station sa Lopez, Quezon at dalawang pulis ang napatay.
Nagpahayag ang NPA na ang ginagawa nilang pagsalakay ay ensayo lamang para sa mas malawak na pakikipagdigmaan sa pamahalaan. Ipinagyabang ni Ka Roger Rosal, tagapagsalita ng NPA, na hindi kayang pulbusin ng gobyerno ang kanilang kilusan. Idinagdag pa ni Ka Roger na buhay na buhay at lalong lumalakas ang NPA.
Sa dami ng mga problemang kinakaharap ni GMA, wala na siyang oras sa pamumulitika. Marami siyang dapat na tutukan hindi lamang ang kanyang mga photo-op. Marami sa ating mga kababayan ang nahihintakutan hindi lamang dahil sa babala ng NPA kundi pati na sa patuloy na paglaganap ng sari-saring kaguluhan at ang hindi malunasang kahirapan.