May dapat pang sabunin: Residential subdivisions na naniningil sa mga sasakyang nakikiraan sa kanila. Isa na rito ang Moonwalk Subd. sa Las Piñas. Pinabuksan ni Mayor Nene Aguilar ang gates ng Moonwalk na bahagi ng Friendship Route, pampaluwag ng rush-hour traffic. Pumayag ang Moonwalk. Pero naniningil ng P10 kada kotse, maski may Friendship sticker. Kung umangal ka, sasabihin ng guwardiya na magbayad muna, saka tumungo sa subdivision office para mag-file ng protesta.
Kung 1,000 kotse ang dumadaan araw-araw, makaka-P10,000 ang Moonwalk, o P300,000 kada buwan, o P3.65 milyon kada taon. Pero walang tatak-BIR ang resibo. Saan kaya napupunta ang pera?
Hindi lang sa Moonwalk may ganyang raket. Sa Novaliches din sa Quezon City at Caloocan, ilang subdivisions ang kumikikil ng P5-10 kada sasakyan. Minsan, pinaputukan ng guwardiya ang kotseng di nagbayad. Buti na lang walang tinamaang pasahero. Pero basag ang salamin.
Sabi ni MMDA chairman Bayani Fernando na pabubuksan niya ang lahat ng subdivision gates para lumuwag ang traffic sa main roads tulad ng EDSA, Commonwealth Avenue, Quezon Boulevard, Ayala at Buendia. Maningil din kaya ang subdivisions na ito? Kung sakali, isang motorista mula Novaliches hanggang Makati ay gagasta ng P150, kung P10 bawat subdivision. Daig pa ang PNCC sa North at South Expressways. Daig din ang progressive taxes ng NPA.
Di ba ang kalsada ay para sa lahat at di pribado? Anong awtoridad ng subdivisions na maningil? E di puwede rin akong maningil sa lahat ng paparada sa harap ng bahay ko. Wala ring tatak-BIR sa receipt.