Ang pagsalakay ay naisagawa sa kaliwanagan ng araw at walang natunugan ang mga PNP. Isang pagpapatunay na mahina ang intellegence network ng mga pulis. Walang nakaalam sa gagawing pagsalakay. Diumanoy ang puntirya ng mga NPA ay ang nakakulong nilang kasamahan sa nasabing police station. Nahuli ang rebelde noong nakaraang linggo at kinasuhan ng illegal possession of firearms.
Ang posibilidad ng pagsalakay ay dapat naisip na ng mga pulis sa nasabing station. Hindi sila nakatunog sa nakaambang panganib na nagdulot sa pagkamatay ng kanilang hepe at isang kasamahan. Nasorpresa sila sa kaliwanagan ng araw.
Sinabi ni Quezon Police Director Senior Supt. Roberto Rosales na magpa-file sila ng murder raps laban sa mga sumalakay na NPA. Ipa-file nila ang kaso sa Korte at sa Commission on Human Rights. Walang makapipigil sa PNP kung ganito ang kanilang gagawin. Ang tanong ay kung hanggang saan aabot ang pagpa-file ng kaso. Sa dami at tagal na ng ginawang pagsalakay ng mga NPA (hindi lamang sa PNP station) ay nagkaroon na ba ng katarungan ang kanilang mga nabiktima. Walang masama sa pagpa-file ng kaso pero may mas mabuting paraan pa rito. Ang maigting na operasyon sa mga sumalakay at dapat katulungin ang military para makubkob ang mga rebelde.
Dapat ding isisi ang matagumpay na pagsalakay ng NPA sa mahinang intelligence ng pulisya. Kung mahusay ang kanilang intelligence, hindi magkakaroon ng pagkakataon ang mga rebelde na makapaghasik ng lagim. Palawakin sana ang intelligence ng PNP para hindi na masundan ang madugong pagsalakay. Idagdag na rin ang kakulangan sa baril na kamakailan lamang ay sinabi ni PNP chief Hermogenes Ebdane Jr. na isa sa problema ng pulisya. Lutasin sana ang mga problemang ito.