Kamakailan ay nakatanggap ako ng notice of foreclosure sa aming bahay na tinitirhan ngayon. Ang housing loan ay kinuha ko sa isang banko noong 1990. Natanggal ako sa trabaho mahigit isang taon na dahil sa pagkakasakit. Ang asawa ko na lamang ang bumubuhay sa aming pamilya.
Ang asawa ko ay mahigit 20 taon nang nagtatrabaho sa gobyerno at miyembro siya ng Pag-IBIG. Ngunit sa laki ng binabayarang amortisasyon buwan-buwan hindi na niya naipagpatuloy ang pagbabayad dito.
Maaari bang makahiram sa Pag-IBIG ang aking misis para mabayaran ang utang namin sa banko? Y ng Makati
Maaari kang matulungan ng Pag-IBIG sa pamamagitan ng refinancing sa ilalim ng housing loan program. Ang mga requirements ay kagaya rin ng mga kailangan sa pag-aaply ng housing loan. Kagaya ng pagbabayad ng buwanang kontribusyon para sa dalawang taon, hindi dapat hihigit sa 65 anyos, nakapasa sa background investigation ng Pag-IBIG at iba pang mga dokumentong kailangan.
Kailangan lamang ipa-update ang buwanang kontribusyon sa Pag-IBIG office kung saan pinakamalapit sa inyong opisina. Magsadya lamang sa Loans Origination Department, 7th Floor Atrium, Bldg., Makati Avenue, Makati City para sa inyong aplikasyon.