Pero patuloy na nagmamatigas ang Catholic Bishops Conference of the Philippines na huwag bayaran ang P300 milyong utang nito sa may apatnapung creditors. Gaya nang nasabi na natin, nabaon sa utang ang CBCP sa itinayo nitong internet service provider na CBCPnet na bumagsak.
Nagdemanda na laban sa CBCP ang Spinbase Intl. na nagpautang ng mga muwebles na nagkakahalaga ng P20 milyon. Nakatakda pa raw magdemanda ang iba pang apektadong kompanya.
Sa kasong ito, hindi co-maker ang CBCP kundi business partner ng isang nalugi na negosyo.
Dapat makipag-ayos na ang CBCP at huwag nang hintayin ang ibang demanda para mabura ang batik sa image nito.
Wala tayong personal na galit sa Simbahang Katoliko. Nakararaming Pilipino ang Katoliko at ang Simbahan ay nirerespeto at pinagpipitaganan.
Naniniwala ako na ang pagkakamali ng isang sektor sa Simbahan ay hindi dapat makasira sa kabuuang imahe nito.
Pero dapat umaksyon ang Simbahan kapag ang isang sektor nito ay naliligaw ng landas para ang pagkakamaliy hindi maging dungis ng buong relihiyon.
Patuloy nating pinapaksa ito dahil sa mga maliliit na empleyado na posibleng mawalan ng trabaho kapag nalugi ang mga negosyong ito. Maliliit at katamtamang negosyo lang ang mga ito na umaaasang kikita sa kanilang transaksyon sa CBCP, but to no avail!
Kung ang mga negosyong nagsisimula pa lamang umangat ay mababangkarote, apektado rin ang ekonomiya.
Sinisisi ni Archbishop Oscar Cruz, CBCPnet chairman, ang Twins Inc. ng mag-asawang Eman at Mardie Lim na business partner ng CBCP sa proyekto. "Ipinagamit" lang daw ng CBCP ang pangalan nito.
Umamin ang Arsobispo na nagkamali ang CBCP nang ipaubaya ang pangangasiwa ng CBCPnet sa mag-asawang Lim.
Granting na totoo, major partner pa rin sa proyekto ang CBCP. Ano mang obligasyon o utang under the name of CBCPnet ay dapat sagutin at hindi puwedeng mag-hugas kamay ang mga obispo.
Kabilang sa mga creditors ng CBCP ang Quadpro at Terabyte Solutions na nagpautang ng multi-milyong pisong halaga ng mga computer equipment at hardwares. Ayon sa Pangulo ng Terabyte na si Tonette Apacible, "Bakit kami ang dapat magdusa sa pagkakamali ng Simbahan?"