Sinabi kamakalawa ni Philippine National Police (PNP) chief Hermogenes Ebdane Jr. na 34,000 pulis na nasa serbisyo sa kasalukuyan ang walang baril. Ang PNP ay may kabuuang 113,000 miyembro at nakadidismayang malaman na 30 porsiyento sa mga ito ay walang service firearms. Bukod sa kakulangan sa baril, sinabi ni Ebdane na kulang din sa gamit pangkomunikasyon ang mga pulis.
Sunud-sunod ang pangingidnap na nangyayari at walang magawa ang PNP kung paano lalabanan ang mga kidnaper. Paanoy matataas na kalibreng baril ang kargada ng mga kidnaper at propesyunal na para bang pinaghandaan na ang trabahong iyon. Naiiwan sa kangkungan ang mga pulis. Isang magandang halimbawa ay nang kidnapin ang dalawang anak ni Negros Occ. Rep. Jules Ledesma noong September 13. Kaliwanagan na ng araw nang kidnapin ang mga bata sa San Juan. Kahit may mga tao nang naka-witness ay malalakas ang loob at nagpaputok pa ng mga baril para takutin ang mga nakasaksi. Walang nagrorondang pulis sa ganoong oras na dapat sanay meron upang maprotektahan ang mamamayan. Matagal nang nakatakas ang mga kidnaper tangay ang dalawang bata bago dumating ang mga pulis. Subalit nagkakaroon na ng dahilan ngayon kung bakit late sila kung dumating, wala palang mga baril na panlaban sa mga masasamang loob. May katwiran na hindi nga talaga sila makahaharap nang sabayan sa mga "halang ang kaluluwa".
Ang problemang ito ay nararapat lutasin ng PNP sa lalong madaling panahon. Kailangang magkaroon ng armas ang mga pulis na ang tungkulin ay magprotekta at maglingkod. Kung malutas na ang problema sa baril, ang masusi namang pagsasanay sa mga pulis ang dapat isunod ni Ebdane.
Hindi kaya kapag may baril na ang mga pulis ay wala namang kasanayan sa pagharap sa panganib kagaya nang nangyaring hostage sa Pasay noong Mayo na ikinamatay ng inosenteng bata. Walang kasanayan ang mga pulis kung paano iha-handle ang sitwasyon. Hinayaang masaksak ng maraming beses ang batang si Dexter Balala saka binaril ang nang-hostage. Patay na ang hostage taker ay binabaril pa ng mga Pasay pulis.
Kailangan ng mga pulis ang baril subalit kailangan din silang sanayin.