Ang iba naman ay dedma na lamang nang matanggap ang balita. Subalit ang iba ay nagtalunan at nagsisigaw sa tuwa at ang pangalang FPJ ang namutawi sa kanilang mga labi.
Marami ang namamangha (isa na ako) sa kaganapan na akala mo ay isang bulalakaw na biglang bumulusok sa gitna ng kadiliman. Ito na ba ang babala na nagsimula na ang masalimuot na takbo ng pulitika sa Pilipinas? Si FPJ na nga ba ang panlaban ng oposisyon kay President Gloria Macapagal-Arroyo sa 2004?
Kung sabagay, nakalulungkot mang tanggapin, wala naman talagang tigil ang pamumulitika dito sa ating bansa. Marami na rin ang pumapansin na pamumulitika na ang inatupag ni GMA simula pa nang maiupo ito bilang Presidente sanhi ng People Power II na pumutok dahil sa diumanong kalabisan ni dating President Joseph Estrada.
Nagmamatyag ngayon ang buong bansa sa mga gagawing kilos ni GMA tungkol sa nababalitang pagpasok ni FPJ na siyang minamanok ng oposisyon. Kung matutuloy tumakbo si FPJ ay isang delubyo na higit pa sa isang bagyo. Ibubuhos ba ng lahat ng makakayanan ni GMA at ng kanyang administrasyon upang paghandaan si FPJ at ang pulitika? Papaano naman ang pagtutuon niya sa mga problema ng bansa na siyang dapat na buhusan niya ng lahat ng pansin? Saksi kayo, mga kababayan.