Matagal nang naipasa ang Clean Air Act subalit hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring ngipin. Hindi naipatutupad ang itinatadhana ng batas na nilikha noong 1999. Pinagtalunan at pinagkagastusan subalit walang gaanong pakinabang ang mamamayan.
Ang katotohanan ay nakikita: Walang kakayahan ang mga sangkot na ahensiya para ipatupad ang batas gaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Transportation and Communications (DOTC). Ayon sa batas, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng incinerators, paggamit ng gasolinang may lead at pagbabawal din sa mga lumang sasakyan na makapag-operate o makapagbiyahe. Sa mga ito, ang pagbabawal lamang sa pagtitinda ng gasolinang may lead ang naipatupad. Ang iba pang ipinagbawal (katulad ng mga sasakyang bulok) ay patuloy na nagpapa-pollute sa hangin.
Ang kampanya ng DOTC sa pagsakote sa mga smoke belchers ay ningas-kugon lamang. Kapag binatikos saka lamang kumikilos at nanghuhuli ng mga sasakyang bulok subalit kinabukasan o sa mga sumunod na araw ay balik sa lansangan ang mga nanlalason sa kapaligiran.
Ang lead, mercury, carbon monoxide, nitrogen dioxide at sulfur dioxide ang nakahalo sa hangin na nalalanghap ng mga taga-Metro Manila. Apektadong masyado ang mga commuters na araw-araw ay nagbibiyahe at delikado ang mga babaing buntis sapagkat maaaring maapektuhan ang mga sanggol na nasa kanilang sinapupunan. Marami na rin ang nagkakasakit ng pneumonia dahil sa paglanghap ng may lasong hangin.
Ang hindi seryosong pagpapatupad sa batas ang dahilan kung bakit nalalagay sa kapahamakan ang mamamayan. Sanay matuto na ang pamahalaan para hindi apektado ang kalusugan ng taumbayan.