Sigurado ngang papatok na pag-usapan ang retrato nina GMA, Defense Sec. Angelo Reyes, Finance Sec. Isidro Camacho, Trade Sec. Mar Roxas at Executive Secretary Alberto Romulo. Ginaya nila ang porma at ayos ng mga sikat na artista ng pelikulang "Men in Black" na sina Tommy Lee Jones at Will Smith.
Subalit mas nakararami ang bumabatikos sa pagpapakuhang ito ni GMA at mga kasama sapagkat para raw nagpapa-kenkoy at inilalagay nila sa katawa-tawang kalagayan ang kani-kanilang posisyon bilang mga matataas na opisyal ng bansa. Lalo raw nakatulong iyon sa pagpababa ng dignidad at respeto ng taumbayan sa Pilipinas na ngayon ay nasasadlak sa kahirapan at mga kaguluhan.
Sa pagtatanggol na inihayag naman ng mga kaalyado ng "Malacañang in Black", sinabi nilang hindi masama ang pagpaparetrato sapagkat hindi naman iyon nakababawas sa pagka-presidente ni GMA. Makatutulong pa nga raw sapagkat nagbibigay mensahe sa pakikipaglaban ni GMA sa kasamaan.
Ako ay sanay na sa mga ganitong mga gimik at pakulo. Naging parte na ito ng aking trabaho noon bilang isang pinuno ng ilang advertising at PR agencies. Maging anuman ang tangka ng mga nagpakulo ng pagpaparetrato nina GMA, makabubuti man o hindi ito na ngayon ang pinag-uusapan sa lahat ng dako. Di ba exposure rin ito?