Editoryal - Nasaan ang mga pulis?

NANG kidnapin noong September 13 ang dalawang anak ni Negros Occ. Rep. Julio Ledesma sa Mabini at Burgos Streets sa San Juan, wala ni isa mang pulis na nagpapatrulya sa nasabing lugar. Nangyari ang pagkidnap dakong 7:30 ng umaga. Mataas na ang sikat ng araw. Dumating lamang ang mga pulis makaraang mahawi na ang usok bunga ng nakahihindik na pangingidnap sa dalawang bata. Walang ipinagkaiba sa tagpo sa mga pelikula na kung kailan tapos na ang krimen saka darating ang mga pulis. Alikabok ang kinain ng mga pulis. Nawalang parang bula ang dalawang bata at namana sa dilim ang mga pulis.

Apat na araw ang nakalipas, pinalaya ng mga kidnapper ang dalawang bata. Nakitang naglalakad ang dalawa sa Urban Avenue sa Makati City, malapit sa Makati Medical Center dakong 3:30 a.m. Kakatwa rin naman na nang pakawalan ng mga kidnapper ang dalawang bata, wala ring mga pulis o kahit man lang anino nila na nagpapatrulya sa nabanggit na lugar. Ayon na rin sa mga pulis, maaaring sa madilim na bahagi ng Gil Puyat Ave. lamang ibinaba ng mga kidnapper ang dalawang bata. Isang lalaki ang napagtanungan ng mga bata at ito ang nagturo sa Makati Med. Saka lamang nakatunog ang mga pulis at nagsisugod sa nasabing ospital. Parang isang eksena na naman sa pelikula ang nangyari. Nilamon na ng dilim ang mga kidnapper bago pa nakarating ang mga pulis.

Laging sinasabi ng PNP na handa sila sa mga maghahasik ng kaguluhan at handang proteksiyunan ang mamamayan. Bakit nakaaatake ang mga kidnapper kahit kasikatan ng araw? Nasaan sila sa panahong kailangan sila ng mamamayan? Sa ibang bansa, halimbawa’y sa Saudi Arabia at Singapore, palaging may makikitang nagpapatrulyang pulis sa bawat lansangan kahit anong oras. Sa mga kanto ay makikitang nakaantabay ang mga police car at nagmamatyag sa mga gagawa ng kasamaan. Dito sa Pilipinas ay sadyang kakaiba, nagpapatrulya ang mga pulis dahil kokolekta ng "intelihensiya" at mangongotong.

Laganap ang kidnapping kahit walang tigil ang pagparada ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa mga halang ang kaluluwa. Sa ganitong nakatatakot na sitwasyon, panahon na para suriin ni Mrs. Arroyo ang kakayahan ng pambansang pulisya.

Show comments