Nangungunang misyon niya mula kay Presidente Arroyo ay sugpuin ang kidnap-for-ransom na talamak sa bansa.
Pero parang nanunuya ang mga lekat na kidnappers. Dalawang anak pa ng Kongresista ang dinale at humihirit ng ransom na P60 milyon!
At halos kasabay ng insidenteng ito noong Biyernes ay dumagit na naman ng biktima ang notorious Pentagon kidnap gang sa Marawi. Apat na propesor ng Mindanao State University ang dinukot ng mga hinayupak.
May timetable ang Philippine National Police. Durugin ang gulugod ng kidnapping sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon.
Our government, I believe is well meaning in its desire to crush all forms of criminality rampant in our nation.
Pero habang determinado ang administrasyon sa pagdurog sa mga krimen, marami pa ring bugok sa hanay nito. Sa pulisya man, militar o kahit sa sibilyang pamahalaan.
Sa San Juan halimbawa, paano makapandaragit ang mga kidnappers sa liwanag ng araw sa umaga? Malinaw na walang police visibility nang maganap ang insidente ng pagdukot sa dalawang anak ni Rep. Jules Ledesma. Bakit?
Dalawa lang ang kahulugan niyan: Pabaya sa tungkulin ang mga pulis kung hindi man kasabwat sila ng masasamang loob.
Iniutos ni Local Government Sec. Joey Lina na siyasatin ang Pulis San Juan sa makupad na pagresponde nito sa kidnap situation. Iyan naman palagi ang nangyayari. Puro siyasat. Pero iba-ibang kapalpakan ang nagaganap.
Hindi ko intensyong manghusga sa mga pulis. Pero bahala na lang silang mamili ng dahilang tinuran natin kumbakit naganap ang ganoong insidente.
Nakasisindak iyan. Kung ang kaanak mismo ng isang Kongresista ay hindi ligtas sa kuko ng mga kriminal, paano pa kaya ang mga ordinaryong mamamayan? At paano kung ang mabibiktima ay astang mayaman lang pero walang perang pang-ransom? Malamang tigok!
Sa palagay ko, ang hindi masawatang kriminalidad ay may halong pulitika. Posibleng may mga nakapalibot na opisyal ang Pangulo na sinasadyang magpabaya sa tungkulin para hiyain ang administrasyon.
Mrs. President, kailangan moy matang-lawin. Obserbahan mo ang lahat ng nakapalibot sa iyo. Tigpasin ang mga makikita mong may masamang intensyon laban sa iyong administrasyon.