Ang cancer sa bayag ay karaniwang nananalasa sa mga kalalakihang nasa edad 30 pababa. Malignant cells ang dahilan nang pagkakaroon ng cancer sa bayag at marami itong uri.
Hindi pa malaman kung ano ang dahilan ng pagkakaroon ng cancer sa bayag subalit pinaniniwalaan na ang mga sanggol na may tinatawag na undescended testicle (cryptorchidism) ang karaniwang nasa panganib ng cancer. Maaaring ma-develop ang cancer dahil sa kalagayang nabanggit. Ang pagkakaroon ng cancer sa bayag ay malalaman kapag may matigas na bahagi o lump sa scrotum na unti-unting lumalaki hanggang sa maging makirot. Sinumang lalaki na nakitaan ang sarili ng ganitong palatandaan ay nararapat na kumunsulta sa doktor. Hindi ito dapat ipagwalambahala.
Ang paggamot sa may cancer sa bayag ay sa pamamagitan ng operasyon o pag-alis sa apektadong bahagi. Tatanggalin ang alinman sa mga bayag na apektado. Maaari ring isailalim sa chemotheraphy at radiotheraphy. Maraming uri ng cancer sa bayag ang gumagaling kapag ito ay naagapan kaagad.
Kabilang sa mga dapat gawin para mapangalagaan at lubusang gumaling ang cancer ay ang buwanang eksaminasyon sa mga bayag. Kapag ang isa sa mga bayag ay inalis, ang natitirang isa pa ay may kakayahan para ma-maintain ang fertility at makapag-perform nang maayos sa pakikipag-sex.