Lalong tumindi ang sentimiyento ng ating mga kababayan nang lumabas na marami pang mga menor de edad ang ni-rape ng ilang Malaysian police.
Ang pangyayari ay dapat magbunsod sa pamahalaan para isulong ang kampanya nito laban sa krimen at mga pang-aabuso sa mga kababaihan lalo pa ang masaklap na pangyayari sa Malaysia. Ang pagbubulgar ng mga ni-rape na Pinay ay isang pagpapahiwatig na ang hustiya sa ating lipunan ay buhay, at may pag-asa pang magkaroon ng pagbabago sa justice system. Sa pagbubulgar, maaaring magtulung-tulong ang lahat o makipagtulungan sa kinauukulan.
Isa ang VACC sa mga gumagawa ng hakbang para sa mga kababayan nating inapi sa Malaysia. Nakipag-ugnayan na kami sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Justice (DOJ) tungkol sa mga hakbang na maaring gawin upang mabigyan ng kaukulang tulong ang mga biktima sa Malaysia.
Layunin ng VACC, sa tulong nina DSWD Sec. Dinky Soliman, at Public Attorneys Office (PAO) chief Persida Acosta na mabigyan ng tulong ang mga biktima para makamit ang hustisya.
Naghihintay ng tulong ang mga biktima. Huwag naman sanang mauwi sa kabiguan ang paghahanap nila ng hustisya laban sa mga mapang-aping Malaysians.